--Ads--

Pinaigting ng mga awtoridad sa India ang seguridad sa kabisera ng Delhi nitong Linggo, Nobyembre 1, bago ang malawakang kilos-protesta ng oposisyon na nananawagan sa pagbibitiw ni Chief Election Commissioner Gyanesh Kumar dahil sa kontrobersyal na rebisyon ng listahan ng mga botante.

Nagpakalat ng mga pulis na may dalang baton at kalasag, gayundin ng mga riot control vehicle, sa paligid ng Ramlila Maidan kung saan pangungunahan ni Congress party leader Rahul Gandhi ang protest rally.

Inaasahan ng oposisyon na daan-daang libong katao ang lalahok sa protesta, na susundan ng halos 1.5 kilometer-march mula Central Delhi.

Nag-ugat ang mga protesta sa pagtanggal ng mahigit 130 milyong pangalan sa voter lists simula noong nakaraang taon, kabilang ang mga pumanaw, lumipat ng tirahan at hindi matagpuang botante.

--Ads--

Iginiit ng oposisyon na posibleng higit na naapektuhan ng hakbang ang mga Muslim at iba pang minority group na hindi karaniwang sumusuporta sa Hindu nationalist ruling party na Bharatiya Janata Party o BJP.

Gayunman, itinanggi ng Election Commission ang anumang pagkiling sa partido at sinabing maaaring magparehistro muli ang mga botanteng maling natanggal sa listahan.

Samantala, nagbabala ang Delhi Traffic Police sa posibleng pagsisikip ng trapiko at nagpatupad ng mga pagbabago sa ruta dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga raliyista.