Sugatan ang isang 23-anyos na lalaki matapos tumaob ang minamaneho nitong SUV sa kahabaan ng Santiago City Bypass Road sa Barangay Batal, Santiago City, madaling-araw ngayong Hunyo 8.
Batay sa ulat ng mga awtoridad, dakong alas-12:15 ng madaling-araw nang maganap ang aksidente. Binabagtas umano ng isang puting Mitsubishi Xpander SUV ang bypass road patungong Barangay Divisoria nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver pagdating sa bahagi ng Barangay Batal.
Dahil dito, napunta ang sasakyan sa kabilang linya ng kalsada bago sumalpok sa isang steel light post sa gilid ng daan. Sa tindi ng pagkakabangga, tumaob ang SUV at tuluyang huminto nang nakataob at nakaharap sa direksyon ng Barangay Divisoria.
Bunga ng insidente, nagtamo ng malubhang pinsala ang driver na isang pribadong empleyado at residente ng Barangay Divisoria, Santiago City. Agad siyang rinespondehan ng rescue team at isinugod sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) para sa agarang pagpapagamot.
Nagtamo rin ng matinding pinsala ang sangkot na sasakyan at ang steel light post na nabangga nito, bagaman hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng pinsalang dulot ng aksidente.
Samantala, dakong alas-12:37 ng madaling-araw nang matanggap ng mga awtoridad ang ulat hinggil sa insidente mula sa Greyhound Base, na agad nilang nirespondehan.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy kung may iba pang salik na nagdulot sa aksidente.











