--Ads--

CAUAYAN CITY – Umakyat na sa lima ang panibagong kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa Isabela at Santiago City matapos maitala ngayong araw ang bagong kaso.

Kinumpirma ng Santiago City Health Office na pagkatapos ng 49 na araw, ang Lunsod ng Santiago ay nakapagtala ng bagong positibo sa COVID-19.

Ang pinakahuling COVID-19 positive patient ay isang 24 anyos na Overseas Filipino Worker (OFW), may-asawa at residente ng Balintocatoc, Santiago City.

Ang CV 45 ay dumating sa Maynila noong June 11, 2020 at nakauwi sa Lunsod ng Santiago noong June 15, 2020.

--Ads--

Bilang pagtalima sa mahigpit na protocol na ipinapatupad sa Lunsod ng Santiago ay idiniretso si CV 45 sa quarantine facility ng Local Government Unit (LGU) at isinailalim sa swab test noong June 16, 2020.

Dumating ngayong June 18, 2020 ang resulta ng kanyang swab test at positibo siya sa COVID-19.

Dadalhin ang pasyente ngayong araw sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) para sumailalim sa medikasyon.

Unang napaulat ang dalawang OFW sa Echague, Isabela at isa pang OFW sa Angadanan, Isabela at isang worker sa Metro Manila na umuwi sa San Mariano, Isabela na panibagong kaso ng COVID-19 sa Isabela.