Nagpadala na ng National Guard ang pamahalaan ng Texas nitong Biyernes matapos ang matinding pagbaha sa Guadalupe River na ikinasawi ng hindi bababa sa 25 katao at nagresulta sa pagkawala ng mahigit 20 kabataan mula sa isang Christian summer camp.
Ayon sa mga opisyal, sanhi ng pagbaha ang malalakas na pag-ulan , dahilan upang biglaang tumaas ang tubig sa ilog ng halos 30 talampakan sa loob lamang ng 45 minuto. Umabot sa mahigit 12 pulgadang ulan ang bumagsak sa ilang bahagi ng rehiyon noong biyernes.
Kinumpirma ng mga state officials na kabilang sa mga nasawi ay parehong matatanda at mga bata, 24 mula sa Kerr County at isa mula sa Kendall County.
Sa Camp Mystic, isang all-girls Christian summer camp sa kahabaan ng Guadalupe River, iniulat na 23 hanggang 25 katao ang nawawala pa rin.
Ayon kay Major General Thomas Suelzer, nasa 237 katao na ang nailikas, kung saan 167 sa kanila ay nailigtas gamit ang helicopter.
Sa isang press conference, sinabi ni Texas Governor Greg Abbott na patuloy ang 24/7 search and rescue operations sa tulong ng mga local at state responders. Nakipag-ugnayan na rin umano ang mga opisyal sa Homeland Security Secretary Kristi Noem at Interior Secretary Doug Burgum para sa karagdagang federal assistance.
Naglabas na rin ng disaster declaration si Kerrville Mayor Joe Herring Jr. dahil sa patuloy na emergency evacuations.
Sa isang post sa X (dating Twitter), iniutos ni Governor Abbott ang paggamit ng lahat ng available state resources kabilang ang water rescue teams, evacuation centers, National Guard, at Texas Department of Public Safety2.
Ayon sa mga opisyal, hindi inaasahan ang ganitong kalaking pagbaha. “We have floods all the time. But we had no reason to believe this was going to be anything like what’s happened here,” ani Kerr County Judge Rob Kelly.