Bumaba ang benta ng sasakyan sa Pilipinas noong Abril, ayon sa joint report ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines Inc. (CAMPI) at Truck Manufacturers Association (TMA), bunsod ng seasonal factors at epekto ng tensyon sa Middle East na nakaapekto sa presyo ng langis.
Naitala ang kabuuang 27,225 units na naibenta noong Abril, mas mababa ng 24.6% kumpara sa 36,104 units noong Marso, at 18.9% mas mababa kumpara sa 33,580 units sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Ayon kay CAMPI president Jose Maria Atienza, naapektuhan ang market dahil sa patuloy na pag-iingat ng mga konsyumer sa pagbili ng sasakyan bunsod ng pagtaas ng presyo ng langis at hindi pa ganap na pagbangon ng industriya mula sa nakaraang slowdown.
Karamihan sa naibentang sasakyan ay commercial vehicles na umabot sa 21,647 units o 79.51%, habang ang passenger cars ay nasa 5,578 units o 20.49%.










