--Ads--

Nadakip ng mga awtoridad ang 26-anyos na lalaki matapos ang isinagawang joint anti-illegal drug buy-bust operation sa Purok 3, Barangay Tagaran, Cauayan City, Isabela dakong alas-2:51 ng hapon nitong Agosto 13, 2026.

Ang suspek ay walang trabaho at residente ng Barangay Malalam, Ilagan City, Isabela. Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Cauayan City Police Station-CDEU katuwang ang RMU2, PDEA Isabela, PDEU, at RIU2-PIT Isabela, sa koordinasyon ng PDEA Regional Office 2.

Naaresto ang suspek matapos umanong magbenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa isang police officer na umaktong poseur buyer. Ang nabentang droga ay may tinatayang timbang na 0.4 gramo at may Standard Drug Price (SDP) na P2,720.

--Ads--

Bukod dito, narekober din mula sa suspek ang dalawa pang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na limang gramo at tinatayang SDP na P34,000. Sa kabuuan, umabot sa P36,720 ang halaga ng mga nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga.

Nasamsam din sa operasyon ang isang tunay na P500 bill na ginamit bilang buy-bust money, isang P500 boodle money, isang iPhone 11 cellular phone, isang plastic container na may peanut brittle, isang DOLE ID na nakapangalan sa suspek, at isang kulay itim na Toyota Fortuner kasama ang ignition key nito.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Cauayan City Police Station ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at wastong disposisyon.