--Ads--

Pansamantalang sinuspinde ng 30 araw ang 26 na pampasaherong bus ng Victory Liner, Inc. matapos ang banggaan ng dalawang bus nito na kinasangkutan din ng isang SUV sa Benguet noong gabi ng Mayo 31.

Sa insidente, isang pasahero ang nasawi habang mahigit 90 naman ang nasugatan.

Ayon kay Land Transportation Office (LTO) Chairman Vigor Mendoza, pinadadalhan na ng show cause order ang bus company upang magpaliwanag kung bakit hindi dapat tuluyang bawiin ang kanilang prangkisa kaugnay ng insidente.

Kasabay nito, patuloy ang imbestigasyon ng ahensya upang matukoy ang lawak ng pananagutan ng kumpanya.

--Ads--

Tiniyak din ng LTO at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na binibigyan ng agarang medical assistance ang 95 sugatang pasahero, lalo na ang mga naka-confine sa mga ospital sa Benguet at La Union.

Nakikipag-ugnayan din ang LTFRB sa bus company at insurance provider upang mapabilis ang pagbibigay ng benepisyo at tulong pinansyal sa mga biktima.

Samantala, sa pahayag ng Victory Liner, kinilala ng kumpanya ang desisyon ng mga awtoridad at nakikipagtulungan sila sa imbestigasyon.

Ayon sa ulat ng pulisya, posibleng nawalan ng preno ang isang bus kaya bumangga ito sa kasalubong na kapwa Victory Liner bus at isang SUV, na naging dahilan ng pagkakasugat ng maraming pasahero at pagtaob ng isa sa mga sasakyan.

Kinumpirma rin ng mga awtoridad ang pagkamatay ng isang pasahero na residente ng La Trinidad, Benguet habang ginagamot sa Baguio General Hospital.