Ilang indibidwal ang nahulog sa ilog matapos bumigay ang isang bahagi ng hanging bridge sa Barangay Zabali, Baler, Aurora, magtatanghali ngayong Biyernes, Nobyembre 20, 2026.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Baler, may ilang taong tumatawid sa tulay nang mapatid ang isang kable na nagdurugtong dito.
Dahil dito, nahulog sa ilog ang ilan sa mga tumatawid habang ang iba naman ay nakakapit sa natitirang kable.
Kinumpirma ng ahensya na may isang indibidwal na nasugatan sa insidente matapos magtamo ng injury sa paa.
Agad namang nagsagawa ng rescue operation ang mga residente at opisyal ng barangay upang sagipin ang mga naapektuhan.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang posibleng dahilan ng pagkasira ng hanging bridge.











