CAUAYAN CITY – Umabot na sa 28 bayan at lunsod sa Isabela ang nakapagtala ng kaso ng African Swine Fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Angelo Naui, Provincial Veterinary Officer ng Isabela na ang 28 na bayan at lunsod ay kinabibilangan ng Cauayan City, Cabagan, Delfin Albano, Tumauini, Benito Soliven, Gamu, Naguilian, Reina Mercedes, San Mariano, Alicia, Angadanan, Cabatuan, Ramon, San Mateo, Cordon, Jones, San Agustin, Aurora, Burgos, Luna, Mallig, Quezon, Quirino, Roxas, San Manuel, Echague, San Guillermo at San Isidro.
Umabot na sa 26,051 na baboy mula sa 312 na barangay ng 28 na munisipalidad ang isinailalim sa culling.
Ang mga munisipalidad na umabot sa libo ang mga baboy na isinailalim sa culling ay ang Gamu at Alicia na may tig-1,400, Reina Mercedes na may 1,878, Ramon na may 1,332, San Mateo na may 2,396, Jones na may 1,050, Burgos na may 1,097, Luna na may 1,881 habang ang Quezon ay may 1,345 at lunsod ng Cauayan ay may 3,368.
Ang mga lugar na may naapektuhang commercial farm ay ang bayan ng Alicia, Cauayan City, Gamu, Naguilian, Reina Mercedes, Ramon, San Mateo, Jones, Aurora, Burgos, Luna, Quezon at Roxas.
Sinabi ni Dr. Naui na ngayong second wave lamang ang mga naitalang isinailalim sa culling na baboy.
Dagdag niya na sa 28 na munisipalidad ay wala nang report na may namatay na baboy sa mga bayan ng Delfin Albano, Reina Mercedes, Alicia, Angadanan, Cabatuan, San Mateo, Aurora, Burgos, Luna, Mallig, Quezon, Quirino, Roxas at San Manuel.
Humingi ng pang-unawa ang Provincial Veterinary Officer sa mga naapektuhan ng isinasagawa nilang culling dahil ginagawa lamang nila ito para makontrol ang pagkalat ng naturang sakit ng mga baboy.












