--Ads--

Umabot na sa 3.8 kilometro ang haba ng daloy ng lava mula sa Bulkang Mayon sa loob ng nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Batay sa ulat, patuloy ang lava effusion o pag-agos ng tunaw na bato sa bulkan. Pinakamahaba ang naitalang daloy sa Basud Gully na umabot sa 3.8 kilometro, sinundan ng Bonga Gully na may 3.2 kilometro, at Mi-isi Gully na may 1.6 kilometro.

Nakapagtala rin ang PHIVOLCS ng episodic minor strombolian activity at panandaliang lava fountaining sa loob ng bulkan. Sa loob ng isang araw, umabot sa 39 volcanic earthquakes ang naitala, kabilang ang 21 volcanic tremors na tumagal mula isa hanggang 44 minuto. Naitala rin ang 376 rockfall events.

Patuloy din ang paglabas ng sulfur dioxide na umabot sa 2,147 tonelada, habang nananatili ang crater glow sa tuktok ng bulkan. Ang usok ay umabot hanggang 200 metro ang taas bago kumalat patungong kanluran at iba pang direksyon.

--Ads--

Nananatili sa Alert Level 3 o “intensified unrest” ang Bulkang Mayon.

Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone at ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan.

Nagbabala ang PHIVOLCS sa posibleng panganib tulad ng pagguho ng bato, paglipad ng tipak ng bato, pagdaloy ng lava, pyroclastic density currents, katamtamang pagsabog, at lahar lalo na kung may malalakas na pag-ulan.

Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng mga awtoridad sa aktibidad ng Bulkang Mayon.