--Ads--

Umabot na sa halos 300,000 indibidwal ang apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon sa Albay na nagsimula noong Oktubre 30, batay sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) – Disaster Response Management.

Ayon sa pinakahuling tala ng ahensya nitong Nobyembre 2, alas-6 ng gabi, katumbas ito ng mahigit 71,000 pamilya mula sa 159 na barangay sa Bicol Region.

Sa naturang bilang, mahigit 1,700 indibidwal o 517 pamilya ang kasalukuyang nananatili sa 11 evacuation centers sa rehiyon.

Samantala, 15 indibidwal o walong pamilya naman ang pansamantalang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak, kaibigan at kakilala sa mga lugar na hindi apektado ng pag-aalburoto ng bulkan.

--Ads--

Umabot na rin sa mahigit ₱318 milyon ang naipamahaging humanitarian assistance ng DSWD sa mga apektadong pamilya, kabilang ang family food packs, ready-to-eat food, malinis na inuming tubig at iba pang pangunahing pangangailangan.

Mayroon pa ring mahigit ₱4 bilyong standby funds ang ahensya na maaaring gamitin kung kakailanganin ng karagdagang ayuda.

Sa kabila nito, wala pa namang naitatalang bahay na napinsala dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.