--Ads--

Tumanggi ang tatlong gas station sa Metro Manila na makilahok sa P10 kada litro na fuel subsidy program ng pamahalaan.

Sa isang online press conference, sinabi ni DOE-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na sisilipin ng ahensya ang dahilan ng hindi pa pinapangalanang mga gas station kung bakit hindi sila sumali sa programa.

Bukod sa tatlo, may isa ring gas company ang pansamantalang nag-excuse dahil sumasailalim umano sa renovation ang kanilang istasyon.

Sa kabila nito, 48 sa kabuuang 52 gas station sa Metro Manila ang kasalukuyang accredited, habang anim na ruta na rin ang aprubado ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para mapasama sa Phase 1 ng programa.

--Ads--

Umaasa si Energy Secretary Sharon Garin na mapalawig ang implementasyon ng programa sa buong bansa bago matapos ang buwan.

Layunin ng fuel subsidy program na makatulong sa mga public utility vehicle (PUV) drivers sa gitna ng patuloy na mataas na presyo ng produktong petrolyo.

Nauna nang sinabi ng DOE na nakadepende pa rin ang posibleng rollback sa presyo ng langis sa kalagayan ng nagpapatuloy na giyera sa Middle East.