Pabor ang Malacañang sa posibleng paghihigpit ng Commission on Audit o COA sa mga patakaran sa paggamit at liquidation ng confidential at intelligence funds upang maiwasan ang pag-abuso sa pondo ng bayan.
Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, maaaring amyendahan ang umiiral na guidelines kung kinakailangan upang maisara ang mga puwang na maaaring samantalahin sa maling paggamit ng pondo.
Kabilang sa pinag-aaralan ng COA ang mga patakaran sa acknowledgment receipts at paggamit ng aliases o code names sa confidential fund transactions.
Sa ilalim ng kasalukuyang Joint Circular No. 2015-01, walang tahasang probisyon na nagbabawal o nagpapahintulot sa paggamit ng aliases sa acknowledgment receipts.
Iginiit naman ng Palasyo na mayroon nang safeguards para maprotektahan ang pagkakakilanlan ng confidential informants habang napapanatili ang accountability sa paggamit ng public funds.
Naging sentro ang usapin ng confidential funds sa nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, partikular sa liquidation documents at acknowledgment receipts.











