--Ads--

Nagtamo ng sugat ang tatlong katao, kabilang ang isang lalaki na nasa kritikal na kondisyon, matapos ang banggaan ng isang tricycle at motorsiklo sa bahagi ng Research, Minante 1, Cauayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Eugenio Nappay, barangay tanod ng nasabing lugar, naganap ang insidente bandang alas-9 ng gabi nitong ika-29 ng Abril, malapit sa isang hotel sa naturang lugar.

Sa paunang imbestigasyon, sakay ng tricycle ang isang nurse na ihahatid sana nito sa Zone 3. Habang binabaybay ang kalsada, sinubukan umano nitong mag-overtake sa sinusundan nitong sasakyan, ngunit kasabay nito ang pagdating ng kasalubong na motorsiklo na mabilis ang takbo.

Dahil sa lakas ng banggaan, nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tsuper ng tricycle at ang kanyang pasahero. Samantala, malubha naman ang tinamong pinsala sa ulo ng rider ng motorsiklo na kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon.

--Ads--

Ayon sa mga saksi, nawalan umano ng kontrol ang dalawang sasakyan matapos ang tangkang pag-overtake, dahilan upang magsalpukan ang mga ito sa kabilang linya ng kalsada.

Ayon kay Ginoong Nappay, maliwanag naman ang lugar mula sa streetlights kaya human error ang tinitingnan nilang dahilan ng aksidente.