CAUAYAN CITY – Naitala ang tatlong COVID-19 related death kasabay ng pagtaas ng mga kaso ng virus sa lalawigan ng Quirino.
Sa inilabas na datos ng pamahalaang panlalawigan ng Quirino kabilang sa mga nasawi ang isang 32 anyos na babae, isang 39 anyos na lalaki, kapwa residente ng Pinaripad Norte, Aglipay, Quirino at isang 68 anyos na lalaki mula sa Poblacion Norte, Maddela, Quirino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Elmor Villaruel, executive assistant to the governor at head ng Economic Enterprise Office sa lalawigan ng Quirino na ang isa sa mga nasawi ay nagpakamatay matapos na magpositibo sa antigen test.
Ito aniya ang nagtulak sa kanya na magpakamatay bago pa man lumabas ang resulta ng kanyang swab test.
Dahil dito ay nagsasagawa na sila ng counselling para magabayan ang mga nagpopositibo sa virus.
Ayon kay Ginoong Villaruel, nababahala na ang pamahalaang panlalawigan ng Quirino dahil kasabay ng pagkakatala ng nasawi may kaugnayan sa COVID-19 ay naitala rin ang 55 bagong kaso.
Dahil dito ay umakyat na sa 114 ang mga aktibong kaso.
Mula aniya sa sabungan ang mga bagong kaso at marami rin ang nagpositibo sa isang bangko kaya nirequire na magpa-swab test ang mga nagkaroon ng transaksiyon sa naturang bangko.
Bukod dito ay mayroon na ring nagkahawaan na magkakapamilya.
Samantala, naglabas na ng Executive Order si Governor Dakila Carlo ‘Dax’ Cua para mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Inihayag ni Ginoong Elmor Villaruel na ang Executive Order no. 004 series of 2021 na inilabas ng kanilang punong lalawigan ay naglilimita sa pagpasok ng mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) at Non-APOR sa lalawigan.
Aniya, kapag APOR na nagtatrabaho sa Quirino at mula sa ibang lalawigan ay magpapakita ng ID at kung national goverment agency naman na pupunta sa Quirino ay ipakita ang kanilang travel order at itenirary of travel.
Pagpasok naman sa kanilang entry point ay kailangan ding sumailalim sa symptoms screen at kung mayroon silang sintomas ay hindi na sila papayagang makapasok sa lalawigan at sasailalim na sa quarantine.
Kung Non-APOR naman gaya ng bisita o turista ay dapat magpakita ng negative result ng RT-PCR o antigen test o di kaya ay medical certificate na mula sa isang license physician.
Kung wala silang maipakita ay irerequire silang sumailalim sa RT-PCR o antigen test sa lalawigan at habang hinihintay ang resulta ay isasailalim muna sila sa quarantine.
Binigyang-diin naman ni Ginoong Villaruel na ang papayagan lamang na Non-APOR na papasok sa lalawigan ay ang mga galing sa GCQ at MGCQ areas.
Aniya, lalo na silang magiging seryoso ngayon sa pagpapatupad ng mga panuntunan dahil sa pagtaas ng kaso ng virus.
Ipinatupad na rina ng granular lockdown sa ilang barangay sa Cabarroguis, Quirino para makontrol ang hawaan ng virus.
Kasabay naman ng mga paghihigpit ay pansamantala na ring isinara ang mga tourist destination sa Nagtipunan at Aglipay.












