Tatlong katao, kabilang ang isang pulis, ang sugatan sa pamamaril sa Cotabato City Central Pilot Elementary School ngayong Lunes, dahilan para pansamantalang suspendihin ang botohan para sa unang Bangsamoro parliamentary elections.
Nangyari ang insidente dakong alas-7 ng umaga habang isinasagawa ang botohan. Agad namang dinala sa ospital ang tatlong sugatan para malapatan ng lunas.
Batay sa paunang ulat, nagsimula ang insidente nang magkaroon umano ng suntukan sa pagitan ng dalawang grupo ng mga botante sa loob ng school compound.
Ayon sa mga awtoridad, nagpaputok sila ng warning shots matapos mabigong agad mapakalma ang magkabilang grupo. Gayunman, may mga testigong nakarinig din ng iba pang putok ng baril na hindi pa matukoy kung sino ang nagpaputok.
Dahil sa insidente, pinahinto muna ang botohan at pinaalis ang mga botante habang sine-secure ng mga awtoridad ang polling center.
Personal namang nagtungo sa lugar si Police Regional Office-BAR Director PBGen. Christopher Abecia upang assess ang sitwasyon.
Nasa ilalim ng kontrol ng Commission on Elections ang Cotabato City dahil sa mga security concerns kaugnay ng halalan. Hinihintay pa ang desisyon ng Comelec kung ipagpapatuloy ang botohan sa nasabing polling center.











