--Ads--

CAUAYAN CITY– Nadakip sa operasyon ng Pulisya at militar ang mga umano’y supporter ng communist terrorist group sa barangay Villa Flor, Cauayan City.

Ang mga naaresto ay sina Jerry Ramos alyas “Bobot” 48 anyos nakatalaga bilang armed contact ng KR-CV central front sa ilalim ng platoon Gani, residente ng nabanggit na barangay

Kasama rin sa naaresto sina Herminio Ramos alyas “Minio” 55 anyos at Virgilio Dela Cruz alyas “JR”, 44 anyos, may asawa, kapwa communist terrorist group supporter o pasa bilis at kapwa residente ng Villaflor, Cauayan City.

Sa nakuhang impormasyo ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, isinagawa ang pagsisilbi ng search warrant ng pinagsanib na puwersa ng Cauayan City Police station ,Provincial IntelIigence Unit ng Isabela Police Provincia Office, 1st and 2nd Isabela Police Mobile Force Company, Isabela Police Provincial Office, 86th Infantry Batallion, 95th Infantry Batalion, 502nd brigade, Philippine Army, 141 Special Action Company, 14 Special Action Batallion, PNP-Special Action Force at Explosive Ordnance Division-K9.

--Ads--

Matagumpay na naisilbi ang search warrant na inilabas ni Hukom Reymundo Aumentado ng Regional Trial Court Branch 20 Cauayan City na nagresulta sa pagkakasamsam sa bahay ni Alyas Bobot ng isang smoke hand grenade, 2 riffle grenade case na may 2 bala, 2 piraso ng improvised explosive device, 3 detonating cord, at isang blasting cap.

Nakasamsaman naman ng 3 rifle grenade, at dalawang Mk 2 grenade sa bahay ni alyas Minio, habang isang Cal. 45 pistol na tampered ang serial number, isang magazine, apat na bala ng Cal 45; isang itim na holster, bag pack, booklet na may markings na “sumapi iti NPA Danilo Ben Command”, at subersibong dokumento sa bahay ni alyas JR.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jerry Ramos alyas Bobot, sinabi niya na wala siyang kinalaman sa umanoy mga granada, baril at IED na narekober ng mga otoridad sa kanilang bahay.

Mariin rin niyang itinanggi ang pagkakasangkot o pagiging supporter ng makakaliwang grupo.

Aniya, umuwi lamang siya sa Cauayan City nang manganak ang kaniyang misis noong December 5, 2020 .

Iginiit niya na hindi siya supporter ngunit inamin niya na may ilang miyembro ng makakaliwang grupo ang nagtutungo sa kanilang bahay at dumadaan sa kanilang barangay.

Sinabi niya na nakikibagay lamang sila dahil wala silang kalaban laban sa mga armadong rebelde kung paaalisin nila ang mga ito.

Ganito rin ang naging pahayag ni G. Herminio Ramos at nanindigang siya na hindi rin sa kanya ang narekober ng mga pulis at sundalo sa kanyang bahay

Ang magkasunod na bahagi ng pahayag nina Jerry Ramos at Herminio Ramos

Samantala, nang makumpirma anya ng mga alagad ng batas na siya si Virgilio Dela Cruz ay isinama siya sa kanilang bahay at pinalabas pa ang mga kapamilyang natutulog sa loob ng bahay .

Isa anya ang pumasok sa kanilang bahay na sinilip ng kanyang asawa at nakitang may inilagay na baril isang bag sa loob ng kanilang bahay.

Sinabi pa Dela Cruz na bago ilagay ang baril sa nasabing bag ay kumuha pa ang kanyang anak ng pera na nasa loob ng bag kayat noong marinig na paratangan ang ama na may baril ay nagwala ang kanyang mga anak at sinabihan ang mga otoridad na naset-up lamang ang kanilang ama.

Ang bahagi ng pahayag ni Virgilio Dela Cruz