Umabot sa 1,500 indibidwal ang sumailalim sa orientation para sa programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers o TUPAD ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Cauayan City, subalit hindi pa garantisadong mapapabilang ang lahat sa pinal na listahan ng mga benepisyaryo.
Isinagawa ang orientation sa dalawang batch kung saan 954 na indibidwal ang dumalo nitong Miyerkules, Nobyembre 11, habang 546 naman ang nakatakda sa ikalawang batch ngayong Huwebes, Nobyembre 12, sa F.L. Dy Coliseum.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Robert Gamido, Barangay Secretary ng Barangay Pinoma, ipinaliwanag nito ang proseso ng pagsusuri at pagpili sa mga kwalipikadong indibidwal na maaaring mapabilang sa programa.
Binigyang-diin na bahagi lamang ng proseso ang pagsailalim sa orientation at hindi ito garantiya ng pagiging benepisyaryo dahil kailangan pang dumaan sa beripikasyon at pagtugon sa mga itinakdang kwalipikasyon.
Sa ilalim ng TUPAD, nagbibigay ang DOLE ng pansamantalang trabaho sa mga kwalipikadong manggagawang nangangailangan ng pagkakakitaan, kabilang ang mga gawaing pangkomunidad gaya ng paglilinis ng kapaligiran at mga pampublikong lugar.
Sa ngayon, hindi pa matutukoy kung ilan sa 1,500 indibidwal ang tuluyang mapipili bilang benepisyaryo hangga’t hindi natatapos ang proseso ng pagsusuri.





