Patuloy na pinaigting ng Isabela Police Provincial Office o IPPO ang kampanya laban sa kriminalidad at iba’t ibang paglabag sa batas matapos makapagtala ng mga operasyon mula Setyembre 4 hanggang 10, 2026.
Sa naturang panahon, nakapagsagawa ang mga police unit ng limang operasyon laban sa ilegal na droga sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na nagresulta sa pagkakaaresto ng anim na indibidwal.
Nakumpiska sa mga operasyon ang kabuuang 2.3967 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang ₱16,297.56 at 15.905 gramo ng hinihinalang marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng ₱1,908.60.
Kabilang sa mga nagsagawa ng operasyon ang Cauayan City Police Station, Ilagan City Police Station, Aurora Police Station at San Isidro Police Station.
Samantala, isang operasyon naman sa ilalim ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isinagawa sa Cauayan City, na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang indibidwal at pagkakasamsam ng isang baril.
Apat na operasyon din ang isinagawa laban sa mga ipinagbabawal na eksplosibo sa ilalim ng Republic Act 9516, na nagresulta sa boluntaryong pagsuko ng apat na eksplosibo.
Sa pagtugis naman sa mga wanted person, nakapagtala ang mga pulis ng 31 operasyon laban sa Other Wanted Persons o OWP na nagresulta sa pagkakaaresto ng 31 indibidwal.
Isang operasyon din laban sa Top Most Wanted Person o TMWP ang isinagawa ng San Mateo Police Station, kung saan naaresto ang Top No. 6 Regional Wanted Person.
Samantala, isang operasyon laban sa ilegal na sugal ang isinagawa ng Cauayan City Police Station sa ilalim ng Presidential Decree 1602. Dalawang slot machine na umano’y ginagamit sa video karera o fruit games ang nasamsam sa lobby ng Shenzhen SY Electronic, Ltd.
Pinakamalaki naman ang naitalang bilang sa pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa, kung saan 4,240 indibidwal ang nahuli dahil sa iba’t ibang paglabag sa mga ordinansa sa mga lungsod at bayan ng Isabela.
Sa naturang bilang, 2,997 ang pinagmulta habang 1,243 ang binalaan at pinakawalan. Umabot naman sa ₱1,475,543 ang kabuuang nakolektang multa.











