Nakapagtala ang Isabela Police Provincial Office (IPPO) ng 38.89 porsiyentong pagbaba sa Eight Focus Crimes noong Oktubre 2026, kasunod ng sunod-sunod na pagbaba ng kriminalidad sa lalawigan sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan.
Batay sa datos ng IPPO, mula sa 20 insidente noong Agosto ay bumaba ito sa 18 noong Setyembre at lalo pang bumaba nitong Oktubre.
Pinakamalaki ang ibinaba ng kaso ng rape na mula pitong insidente noong Setyembre ay naging dalawa na lamang nitong Oktubre, katumbas ng 71.43 porsiyentong pagbaba. Wala ring naitalang physical injury nitong Oktubre kumpara sa dalawang kaso noong Setyembre.
Bumaba rin ng 33.33 porsiyento ang homicide mula tatlong kaso ay naging dalawa, habang nabawasan naman ng 50 porsiyento ang carnapping of motorcycle mula dalawa ay naging isa.
Gayunman, nanatiling tatlo ang kaso ng theft. Tumaas naman ang insidente ng murder mula isa ay naging dalawa, habang nakapagtala ng isang kaso ng robbery nitong Oktubre mula sa kawalan ng insidente noong Setyembre.
Iniuugnay ang pagbaba ng krimen sa pinaigting na police visibility, regular na pagpapatrolya, intelligence-driven operations at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at komunidad.
Sa kabila nito, tiniyak ng IPPO na magpapatuloy ang kanilang mga operasyon at crime prevention programs upang mapanatili ang pagbaba ng kriminalidad at matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa buong lalawigan.











