Tiniyak ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang buong suporta nito sa Dugong Bombo 2026 na may temang “A Little Pain, A Life to Gain” na gaganapin sa Nobyembre 14, araw ng Sabado, sa F.L. Dy Coliseum sa Cauayan City, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCol. Manuel Bringas, Provincial Director ng IPPO, sinabi nitong lubos nilang sinusuportahan ang naturang aktibidad dahil sa malaking pangangailangan ng dugo, lalo na sa mga biktima ng aksidente sa sasakyan sa lalawigan.
Ayon kay PCol. Bringas, mahalaga ang blood donation drive upang matiyak ang sapat na suplay ng dugo na maaaring magamit sa mga pasyenteng nangangailangan at makapagligtas ng kanilang buhay.
Bilang dating bahagi ng Philippine Red Cross, ibinahagi rin ng opisyal ang malaking naitutulong ng mga volunteer sa pamamagitan ng boluntaryong pagdo-donate ng dugo na nakapagbibigay ng pagkakataong madugtungan ang buhay ng mga kababayan.
Dahil dito, hinikayat ni Provincial Director ang publiko na makiisa sa naturang blood donation drive na isasagawa mula alas-7 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon upang makatulong sa mga mamamayang nangangailangan ng dugo.











