CAUAYAN CITY – Umabot na sa 379 na barangay sa Isabela ang apektado ng African Swine Fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Provincial VeterInary Officer Angelo Naui ng Isabela na nananatili pa ring 28 munisipalidad ang naapektuhan ng ASF subalit nadagdagan ang mga barangay na nasa 379 na ngayon.
Kaugnay nito ay mayroon na ring 32,802 na baboy ang isinailalim sa culling na pag-aari ng 4,732 na hog raisers.
Sa kabila nito ay bumagal na ang pagkalat ng ASF kumpara noong Agosto hanggang Oktubre 2020 dahil paisa-isa na lamang na barangay ang nagpapatest kada araw.
Umaasa ang Provincial Veterinary Office na tuluy-tuloy na ito para mawala na ang virus at hindi na mahawa ang mga natitira pang baboy sa lalawigan.
Gayunman, dahil sa kakulangan ng suplay ng baboy ay tumataas na ang presyo ng liveweight na nasa 150 pesos bawat kilo habang karne ay nasa 220 pesos hanggang 250 pesos bawat kilo.
Ayon kay Dr. Naui, hindi pa niregulate ang presyo ng karne ng baboy at nakadepende na lamang sa mga pamahalaang lokal kung paano nila gawan ng paraan ang pagtaas ng presyo ng karne sa kanilang mga lugar.
Sa mga pork based products ay hindi pa tinanggal ang pagbabawal sa pagpasok sa Isabela subalit kung kumpleto ang mga papeles ay pinapayagan.
Gayunman, hangga’t maari ay hindi pa papayagan para maprotektahan ang mga natitira pang baboy sa Isabela.











