Inihayag ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules na umaabot sa 4.5 milyong mag-aaral mula sa iba’t ibang antas ang nakaahon mula sa pagiging “struggling reader” sa pagtatapos ng School Year 2025–2026.
Batay ito sa resulta ng Comprehensive Rapid Literacy Assessment (CRLA), Rapid Math Assessment (RMA), at Philippine Informal Reading Inventory (Phil-IRI) para sa naturang school year.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, naging mahalaga ang mga targeted intervention sa literacy at numeracy na ipinatupad ng DepEd bilang bahagi ng layunin ng pamahalaan na mapataas ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
“Our goal is to strengthen the entire learning recovery pipeline—from the earliest grades through senior high—so that early literacy success translates into lasting proficiency and genuine readiness for the world beyond graduation,” ani Angara.
Sa datos ng ahensya, mula sa 6.7 milyong struggling readers sa simula ng school year, bumaba ito sa 2.2 milyon sa pagtatapos ng taon. Kasabay nito, tumaas din ang bilang ng “grade-level ready” readers mula 3.3 milyon tungong 5.8 milyon.
Sa Mathematics, halos kalahati rin ang nabawas sa mga mag-aaral na nasa “not or low proficient” level—mula 13 milyon ay naging 6.8 milyon. Bumaba rin ang bilang ng “emerging learners” sa iba’t ibang antas.
Gayunman, sinabi ng DepEd na mas pagtutuunan ngayon ang mga mag-aaral sa secondary level (Grade 7 hanggang 10), kung saan naitala ang 28% pagbaba sa struggling readers at 18% pagbaba sa emerging learners sa Math.
Binigyang-diin ng kagawaran na bagama’t epektibo ang mga remediation program bilang pansamantalang solusyon, mahalaga pa ring mapalakas ang kalidad ng pagtuturo sa loob ng silid-aralan at isulong ang mga reporma sa sistema, kabilang ang planong paglipat sa three-term school calendar.





