Nasawi ang isang apat na taong gulang na bata matapos maatrasan at malagpasan ng isang four-wheel vehicle sa isang compound sa Barangay San Luis, Solano, Nueva Vizcaya noong Nobyembre 6, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Anthony Sanchez, hepe ng Solano Police, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi habang umaatras ang suspek matapos sunduin ang kaniyang girlfriend at mga kaibigan.
Hindi umano napansin ng driver ang batang napunta sa ilalim ng sasakyan hanggang sa mamataan niya ito sa ilaw ng headlight.
Batay sa salaysay ng lolo, katatapos lamang maglaro ng bata at pauwi na sana nang mangyari ang aksidente.
Agad na humingi ng tulong ang mga sakay ng sasakyan upang maisugod ang bata sa ospital, subalit hindi na ito nakaligtas dahil sa matinding pinsala.
Samantala, kinasuhan na ang suspek nitong Nobyembre 9 ng Reckless Imprudence Resulting in Homicide, na may nakatakdang piyansang P60,000.
Ayon sa pulisya, nais ng pamilya ng biktima na ituloy ang kaso laban sa suspek.











