Iginiit ng Malacañang na hindi mabagal ang pagtugon ng pamahalaan sa matagal nang suliranin sa pagbaha sa bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, napakalaki ng hamong kinakaharap ng administrasyon dahil ilang dekada nang hindi lubusang naresolba ang problema, batay na rin sa pagsusuri ng mga eksperto.
Sinabi niya na minana ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang halos apat na dekadang problema sa pagbaha na nangangailangan ng malawakang solusyon.
Dahil dito, iginiit ni Castro na tuloy-tuloy ang mga hakbang ng pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng pagbaha sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Kabilang sa mga isinasagawang hakbang ang pagpapatayo at pagpapagana ng mga pumping station, paggamit ng mobile pumping machines, at pagpapatupad ng iba pang flood control projects upang mapalakas ang kakayahan ng bansa laban sa pagbaha.











