Posibleng maharap sa kasong kriminal ang apat na dating bodyguard ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co matapos bawiin ng mga ito ang kanilang mga naunang alegasyon na nag-uugnay sa ilang personalidad sa kontrobersiya sa mga flood control project.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, kabilang sa mga dating bodyguard ang nag-akusang naghahatid sila ng mga maleta na naglalaman umano ng pera mula sa kickback ng mga proyekto sa flood control sa mga itinuturing na project proponents, kabilang sina dating House Speaker Martin Romualdez at Zaldy Co.
Kalaunan ay binawi ng mga bodyguard ang kanilang mga pahayag at sinabing napilitan lamang silang gumawa ng mga alegasyon matapos umano silang pangakuan ng seguridad pinansyal para sa kanilang mga pamilya.
Sinabi ni Clavano na may indikasyon na maaaring isama ang apat na dating bodyguard sa mga kakaharap ng kasong plunder kaugnay ng kanilang mga naunang pahayag.
Gayunman, hindi pa umano opisyal na natatanggap ng panel of investigators ng Ombudsman ang mga dokumento ng kanilang pagbawi sa testimonya. Nakalakip na lamang umano ang mga ito sa counter-affidavit na isinumite ni Romualdez.
Nahaharap si Romualdez sa mga reklamo ng plunder, graft, direct bribery at money laundering sa Ombudsman dahil sa umano’y pagkakasangkot sa kontrobersiya sa flood control projects. Paulit-ulit naman niyang itinanggi ang mga alegasyon at inakusahan ang Ombudsman ng pagkiling laban sa kanya.











