CAUAYAN CITY– Umakyat na sa 61 ang COVID positive sa region 2 matapos maidagdag ang apat na panibagong kaso.
Sa mga panibagong kasong natukoy, tatlo (3) ang mula sa Baggao, Cagayan at isa mula sa Ilagan City sa lalawigan ng Isabela.
Ang unang kaso, (CV58) ay isang 26 anyos na babae at ang pangalawang kaso (CV59) ay isang 24 anyos na lalaki.
Ang mga bagong nagpositibong kaso ay kapwa nagmula sa Quezon City at umuwi ng kanilang bayan lulan ang isang pribadong sasakyan.
Pagkadating sa bayan ng Baggao, ang mga pasyente ay isinailalim sa quarantine sa itinalagang pasilidad ng kanilang lokal na pamahalaan.
Sa kabila na walang naramdamang sintomas ng virus kinunan sila ng swab bilang specimen sample upang masuri para sa COVID-19 na positibo ang resulta.
Ang pangatlong kaso (CV 60) ay isang 45 anyos na lalaki, isang OFW na mula sa Riyadh, Saudi Arabia, na nakauwi sa Pilipinas noong June 2, 2020 at nakauwi sa Lungsod ng Ilagan noong June 15, 2020
Ang pasyente ay nakasalamuha si PH 28953/CV45 na kasama nitong lulan ng bus na inarkila ng OWWA para sa mga OFW nais makauwi sa kanilang mga lugar.
Sa kasalukuyan, ay walang naipakitang sintomas ng virus ang pasyente at siya ay nasa pangangalaga ng Pamahalaang Panglungsod ng Ilagan.
Ang pang-apat na kaso ay mula sa Baggao, Cagayan na isang 20 anyos na lalaki.
Siya ay bumiyahe sa Quezon City at nakauwi sa kanilang bayan noong June 21, 2020.
Ang pasyente ay walang naipakitang sintomas ng virus at nasa pangangalaga ng lokal na pamahalaan ng Baggao.
Nagsasasagawa na ng contact tracing para sa lahat ng posibleng nakasamaluha ng mga nagpositibo ng virus ang DOH pangunahin na ang Regional Epidemiology and Surveillance Unit, katuwang ang DILG at PNP at kasama ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at Isabela, at Lokal na Pamahalaan ng Baggao maging ang Pamahalaang Panglungsod ng Ilagan.











