--Ads--

Nasugatan ang apat na lalaki matapos ang insidente ng pananaksak sa isang kalye malapit sa Covent Garden district sa London, England nitong Miyerkules.

Ayon sa pulisya, isang babae na nasa edad 40-anyos ang inaresto kaugnay ng insidente. Hinihinala siyang lumabag sa batas hinggil sa pagdadala ng mapanganib na armas at pananakit, at kasalukuyan pa ring nasa kustodiya ng mga awtoridad.

Sinabi ng pulisya na nakumpiska sa lugar ang isang pares ng gunting na pinaniniwalaang ginamit sa insidente.

Nasugatan ang apat na lalaki na may edad 34, 39, 42, at 52 matapos magtamo ng mga saksak sa katawan. Agad silang nilapatan ng paunang lunas sa lugar bago isinugod sa isang trauma center para sa karagdagang gamutan.

--Ads--

Ayon sa mga awtoridad, wala silang indikasyon na may kaugnayan ang insidente sa terorismo at sa paunang imbestigasyon ay pinaniniwalaang may kinalaman ito sa isyu ng kalusugang pangkaisipan o mental health.

Naganap ang insidente sa Endell Street, na matatagpuan malapit sa tanyag na Covent Garden Square, isa sa mga pangunahing destinasyon ng mga turista sa London na kilala sa mga street performer at iba pang atraksyon.