--Ads--

Nawasak ang isa sa mga training aircraft ng Philippine Air Force (PAF) matapos umanong masangkot sa mid-air collision ng dalawang eroplano sa Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas, dakong alas-3:51 ng hapon nitong Biyernes, Oktubre 23.

Kinumpirma ni PAF spokesperson Col. Alvin Jay Capinguian na dalawang Marchetti SF-260 trainer aircraft ang sangkot sa insidente habang nagsasagawa ng training flight.

Batay sa mga salaysay ng ilang residenteng nakasaksi, nagbanggaan umano sa himpapawid ang dalawang eroplano habang nagsasagawa ng flyby maneuvers.

Sa mga ulat, walang nakitang senyales ng buhay habang inaapula ng mga responder ang apoy mula sa nasusunog na aircraft. Gayunman, wala pang opisyal na kumpirmasyon hinggil sa kalagayan ng apat na pilotong iniulat na sakay ng dalawang eroplano.

--Ads--

Ayon kay Capinguian, agad na nagpatupad ng emergency response measures at nagpadala ng mga responder upang matiyak ang seguridad sa lugar at masuri ang sitwasyon.

Binigyang-diin ng PAF na prayoridad nito ang kaligtasan at kapakanan ng mga tauhang sangkot, gayundin ng mga taong nasa paligid ng pinangyarihan.

Patuloy namang hinihintay ang opisyal na pahayag ng PAF, Fernando Air Base at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) hinggil sa sanhi ng insidente at kalagayan ng mga piloto at aircraft.