Sasailalim sa pilot implementation ng Strengthened Senior High School ang 41 na paaralan sa Lambak ng Cagayan ngayong School Year 2025-2026.
Una nang inanunsyo ng kagawaran ng edukasyon ang ilan sa mga pagbabago sa SHS Curriculum tulad ng pagtanggal ng maraming Strands at pagbabawas ng mga Core Subjects.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Octavio Cabasag, Chief Education Program Supervisor ng Curriculum and Learning Management Division ng Department of Education Region 2, sinabi niya na ang mga paaralan na sasailalim sa pilot implementation ay ang mga pumasa sa kanilang pagsusuri.
Batay sa datos, 5 paaralan ang napili sa Isabela, 6 sa Nueva Vizcaya, 3 sa Quirino, 6 sa Tuguegarao, 5 sa Batanes, 2 sa Cauayan City, 9 sa Cagayan at 3 sa Ilagan City.
Sa ilalim ng bagong curriculum, hindi na mandatory na kumuha ng research subject ang mga estudyante at tanging ang mga nagnanais lamang kumuha ng elective subject ang maaaring mag-enroll sa naturang asignatura.