--Ads--

Nagpahayag ng pagkabahala ang ilang jeepney driver sa umano’y pagsasakay ng mga tricycle mula sa Cauayan City ng mga pasahero sa bahagi ng Sampaloc, Cabatuan na nakaaapekto umano sa kanilang hanapbuhay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Victor Miguel, isang jeepney driver, sinabi nito na madalas nilang mapansin ang mga tricycle na may body number ng Cauayan City na nakapuwesto sa naturang lugar at nagsasakay ng mga pasahero, partikular kapag pabalik na sila sa Cauayan City mula sa bayan ng Roxas.

Ayon kay Miguel, karaniwan silang humihinto sa Sampaloc upang maghintay ng mga pasahero, subalit sa halip na sa kanila sumakay ang mga ito ay agad umanong nasasakay ng mga nakapilang tricycle.

Dahil dito, sinabi niyang nahihirapan silang makabawi sa kanilang pang-araw-araw na pasada at gastusin. Aniya, lalo itong mabigat sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at iba pang pangangailangan.

--Ads--

Bagama’t aminado siyang nauunawaan nila ang kalagayan ng mga tricycle driver dahil pare-pareho lamang silang naghahanapbuhay, umaasa naman ang mga jeepney driver na mabibigyang-pansin ng mga kinauukulang ahensya at lokal na pamahalaan ang usapin upang magkaroon ng malinaw na regulasyon at maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga sektor ng pampublikong transportasyon.