--Ads--

Nasa state of calamity na ang 106 lungsod at munisipalidad sa buong bansa dahil sa epekto ng El Niño, na nakaapekto na sa 388,375 katao o katumbas ng 104,149 pamilya, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.


Pinakamalaki ang bahagi ng Cagayan Valley sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity na umabot sa 66, sinundan ng Caraga na may 23, Bicol na 12, Calabarzon na apat, at Soccsksargen na isa.


Dahil sa matinding pagkatuyo, nakapagtala rin ng hindi bababa sa 39 forest at mountain fires sa Caraga, habang naapektuhan naman ang suplay ng tubig sa apat na lugar.


Tinatayang nasa ₱5.56 bilyon ang pinsala at production losses sa sektor ng agrikultura, kung saan ₱4.96 bilyon dito ay naitala sa Cagayan Valley. Apektado rin ang 201,322 magsasaka at mangingisda, gayundin ang mahigit 223,000 ektarya ng mga pananim.

--Ads--


Samantala, nasa ₱39.06 milyon na halaga ng ayuda ang naipagkaloob na ng pamahalaan sa mga apektadong residente.


Nagbabala naman ang PAGASA na maaari pang lumala ang El Niño sa mga susunod na buwan, na maaaring magdulot ng mas mababang pag-ulan, mas mataas na temperatura, dry spell at tagtuyot sa ilang bahagi ng bansa.