Nadagdagan pa ang bilang ng mga barko ng China na namataan sa West Philippine Sea (WPS) sa nakalipas na linggo, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa inilabas na monitoring report nitong Martes, sinabi ng AFP na kabuuang 44 na barko ng China ang naobserbahan sa iba’t ibang bahagi ng WPS mula Hunyo 23 hanggang Hunyo 29. Kabilang sa mga namataan ang mga sasakyang pandagat ng China Coast Guard (CCG) at People’s Liberation Army Navy (PLAN).
Pinakamarami ang naitalang presensya ng mga barko sa Bajo de Masinloc kung saan namataan ang 18 barko ng CCG at siyam na barko ng PLAN. Sa Ayungin Shoal naman ay na-monitor ang walong barko ng CCG at isang barko ng PLAN.
Samantala, dalawang barko ng CCG at dalawang barko ng PLAN ang nakita sa Escoda Shoal, habang isang barko ng CCG at tatlong barko ng PLAN ang namataan sa paligid ng Pag-asa Islands.
Ayon sa AFP, mas mataas ang bilang ng mga barkong naitala sa kasalukuyang monitoring period kumpara sa 17 lamang na namataan noong Hunyo 16 hanggang Hunyo 22.
Ipinaliwanag ng militar na ang mas mababang bilang noong nakaraang linggo ay maaaring dulot ng masamang kondisyon ng panahon na nakaapekto sa kanilang monitoring operations sa karagatan.











