
CAUAYAN CITY – Naitala ngayong araw, January 2, 2021 ang 46 na bagong COVID-19 positive sa Isabela habang ang isang nasawi ay naitala kahapon sa Angadanan, Isabela.
Dahil sa pagkakatala ng mga bagong kaso umakyat na sa 226 ang mga aktibong kaso ng virus sa lalawigan habang nasa l15 ang mga bagong recoveries o gumaling sa sakit.
Sa 46 na bagong aktibong kaso ay 32 ang mula sa Lunsod ng Cauayan, pito sa bayan ng Luna, tatlo sa Lunsod ng Santiago habang nakapagtala ng tig-iisang kaso ang mga bayan ng San Mariano at San Pablo.
Isa ang Returning Overseas Filipino (ROF), lima ang NON-APOR, 12 ang mga health workers, 23 ang pulis, at 181 ang local transmission.
Samantala, nakapagtala kahapon ng tatlong bagong kaso ng COVID-19 at ikalawang COVID-19 related death ang bayan ng Angadanan Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, ang mga nagpositibo ay sina CV 4934, 27 anyos na lalake, residente ng barangay Minanga proper at lineman ng ISELCO 1 na kabilang sa mga ipinadala sa Catanduanes para tumulong sa pagsasaayos sa mga linya ng koryente na napinsala noon sa bagyong Rolly.
Pangalawa si CV 4935, 26 anyos na lalake, lineman din ng ISELCO 1 na naitalaga rin sa Catanduanes at naka-admit sa Echague District hospital.
Ang pangatlo at ikalawang nasawi sanhi ng COVID-19 sa bayan ng angadanan ay si CV 5034, 21 anyos na residente ng barangay Buenavista, Angadanan Isabela.
Siya ay na-confine sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Lunsod ng Santiago at nakaranas ng sintomas tulad ng lagnat, ubo at hirap sa paghinga bago binawian ng buhay kahapon, January 1, 2021.
Ang labi ng pasyente ay idiniretsong inilibing sa Bunnay Cemetery sa bayan ng Angadanan.










