Patay ang 49 katao sa uhaw matapos ma-stranded sa isang liblib na bahagi ng Sahara Desert sa Niger nang masiraan ang kanilang sinasakyang trak, ayon sa mga awtoridad.
Pauwi na ang grupo mula sa Mali matapos dumalo sa pagdiriwang ng Eid al-Adha nang maubusan sila ng tubig mahigit 80 kilometro mula sa Assamaka, isang pangunahing border crossing sa pagitan ng Niger at Algeria.
Dalawa lamang ang nakaligtas matapos maglakad sa disyerto patungong Assamaka upang humingi ng tulong.
Ayon sa gobernador ng Agadez, napadpad ang mga biyahero sa isang mapanganib na lugar kung saan napakahirap mabuhay dahil sa matinding init at kakulangan ng suplay ng tubig.
Lumabas sa imbestigasyon na umalis ang trak mula sa bayan ng Telhandek sa Mali ngunit naligaw ito sa itinakdang ruta. Ilang araw umanong sinubukan ng drayber at mga pasahero na kumpunihin ang sasakyan, ngunit nabigo sila hanggang sa maubusan ng tubig at masawi ang karamihan sa kanila.











