CAUAYAN CITY– Inaresto ang limang katao kabilang ang isang buntis at 4Ps beneficiary matapos maaktuhang nagsusugal sa Barangay Bone South, Aritao, Nueva Vizcaya.
Sa nakuhang impormasyong ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Aritao Police Station ang mga suspek ay itinago sa mga pangalang Jay, 66 anyos, laborer, may-asawa; John, 25 anyos, binata, walang trabaho; Myrna, 55 anyos, may asawa, 4Ps beneficiary; Nena, 51 anyos, may asawa, walang trabaho at limang buwang buntis na pawang residente ng nabanggit na lugar.
Sinabi ni PChief Master Sgt. Allan Jalmasco, Investigator ng Aritao Police Station na nakatanggap ng impormasyon ang kanilang intelligence operatives ukol sa pagsusugal ng mga suspek sa isang bakanteng lote.
Agad na nagtungo ang mga otoridad sa nasabing lugar at nahuli sa aktong nagsusugal ang mga suspek.
Nasamsam ang bet money at isang set ng baraha na ginamit sa pagsusugal.
Dinala ang mga suspek sa Aritao Police Station at inihahanda na ang kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 ( Anti Illegal Gambling Act) laban sa kanila.











