--Ads--

Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na naglalayong gawing limang taon ang termino ng mga barangay officials at miyembro ng Sangguniang Kabataan o SK.

Nakakuha ang Senate Bill No. 2387 ng 13 boto pabor, lima laban at walang abstention. Kabilang sa bumoto laban sina Senators Vicente Sotto III, Bam Aquino, Joel Villanueva, Francis Pangilinan at Risa Hontiveros.

Sa ilalim ng panukala, mula apat ay magiging limang taon ang termino ng mga barangay at SK officials. Hindi rin maaaring magsilbi ang barangay official nang higit sa dalawang magkasunod na termino, habang isang termino lamang ang maaaring pagsilbihan ng isang SK official sa parehong posisyon.

Ipinapanukala rin na ilipat sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028 ang susunod na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE, at isagawa na kada limang taon ang mga susunod na halalan.

--Ads--

Ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, mas mahabang termino ang magbibigay ng sapat na panahon sa mga opisyal na magplano, magpatupad at magsuri ng kanilang mga programa at proyekto.