Inihayag ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na posibleng ibalik ng Senado ang daan-daang bilyong pisong binawas o inilipat sa ibang paggagamitan sa bersyon ng Kamara ng panukalang P7.2-trilyong pambansang budget para sa 2027.
Kabilang sa mga pagbabagong muling susuriin ang pondo para sa Foreign-Assisted Projects (FAPs) at ang karagdagang pondong inilaan para sa mga flood control project.
Ayon kay Lacson, inaasahang magpapatuloy ang masusing pagbusisi ng Senado sa panukalang budget upang matukoy ang mga kahina-hinalang pagbabago, kabilang ang mga pondong inilaan sa mga distrito.
Pormal nang natanggap ng Senado ang bersyon ng Kamara nitong Miyerkules, habang inaasahang sisimulan ang plenary debates sa Nobyembre.
Binigyang-diin ni Lacson na hindi dapat basta-basta bawasan ang pondo para sa mga FAP dahil may mga obligasyon ang Pilipinas sa mga dayuhang katuwang nito. Kapag hindi naipatupad ang mga proyektong ito, maaaring managot ang pamahalaan sa pagbabayad ng commitment fees at iba pang gastusing pinansiyal.
Kabilang sa mga halimbawang binanggit ng senador ang Lakeshore (Laguna) Road Network, isang multi-year project na may kaugnayan sa Japan International Cooperation Agency (JICA).











