--Ads--

Ipinag-utos ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pansamantalang paghinto sa operasyon ng anim na barko ng Atienza InterIsland Ferries Inc. kasunod ng mga paglabag sa mga patakaran sa paggawa at kaligtasan na natukoy ng ahensya.

Kabilang sa mga barkong saklaw ng kautusan ang MV Star San Carlos, MV September Tulips, MV December Poinsettia, MV October Lavender, MV May Lilies at MV November Cattleya. Pinangangasiwaan din ng naturang kompanya ang MV June Aster na nasunog noong Setyembre at ikinamatay ng hindi bababa sa 77 pasahero.

Ayon kay DOLE Secretary Francis Tolentino, hindi muna maaaring maglayag ang anim na barko hangga’t hindi natutugunan ng kompanya ang mga paglabag na natukoy sa inspeksiyon. Kabilang dito ang kawalan ng occupational safety and health programs at itinalagang safety officer.

Binigyan ang kompanya hanggang Oktubre 23 upang tumugon at sumunod sa kautusan. Posible itong pagmultahin ng ₱10,000 kapag nabigong tumalima.

--Ads--

Nilinaw naman ng DOLE na dapat patuloy na tumanggap ng sahod ang mga empleyado ng kompanya sa kabila ng pansamantalang paghinto ng operasyon ng mga barko.

Samantala, ayon sa Bureau of Fire Protection, posibleng nag-ambag sa sunog sa MV June Aster sa karagatan ng Coron, Palawan, ang hindi maayos na pagkakaseguro sa mga kargang chlorine at aspalto. Posibleng nagkaroon ng kontak ang mga lalagyan ng chlorine sa kargang aspalto dahil hindi umano matibay ang pagkakakabit sa mga ito.

Ayon naman sa Philippine Coast Guard, 60 sa mga nasawi ang natukoy na, habang 11 iba pa ang sumasailalim pa sa proseso ng pagkakakilanlan.