--Ads--

Pinalalakas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga programa nito sa paglikha ng trabaho at pagsusuri ng sahod upang mapanatili ang katatagan ng labor force sa bansa.

Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, layunin ng ahensiya na makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng iba’t ibang employment programs.

Sinabi ni Tolentino na naging matagumpay ang mga isinagawang “Trabaho Agad” Job Fair kung saan halos 38 porsiyento ng mga aplikante ang agad na natanggap sa trabaho.

Dahil dito, plano ng DOLE na magsagawa pa ng dalawa hanggang tatlong job fair bago matapos ang taon, partikular sa mga lugar na naapektuhan ng mga kalamidad.

--Ads--

Inihayag din ng kalihim na inaasahan nilang makatutulong ang mga dayuhang mamumuhunan sa paglikha ng karagdagang trabaho sa bansa. Kabilang aniya rito ang mga nakatakdang pamumuhunan mula sa Oman na inaasahang lilikha ng mga oportunidad sa trabaho sa Cebu.

Bukod dito, pinaigting din ng DOLE ang suporta para sa mga gig worker tulad ng mga motorcycle ride-hailing rider, freelancer at independent contractor.

Ayon kay Tolentino, nakikipag-ugnayan ang ahensiya sa iba’t ibang kumpanya upang mapabuti ang proteksiyon at mga benepisyo ng mga manggagawang nasa gig economy.

Samantala, nagpapatuloy rin ang pagsusuri sa minimum wage sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Aniya, tinitiyak ng DOLE na maayos na maisasagawa ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards ang pagrepaso sa umiiral na sahod at ang pagpapalabas ng mga bagong wage order sa itinakdang panahon.

Binigyang-diin ni Tolentino na nakahanay ang mga hakbang ng DOLE sa layunin ng administrasyon na mapalawak ang de-kalidad at disenteng oportunidad sa trabaho para sa mga manggagawang Pilipino.