--Ads--

CAUAYAN CITY  Arestado ang anim na katao dahil sa pagnanakaw ng kahon kahon na alak.

Ang mga pinaghihinalaan ay sina Rey Domingo, 24-anyos, may asawa, driver, Jun Jun Domingo, 24-anyos, binata, helper, Rancy Domingo, 28-anyos, binata, helper at pawang residente ng Napaccu Grande, Reina Mercedes, Isabela.

Dinakip ng mga security officer ng pagawaan ng alak sa San Fermin, Cauayan City ang mga pinaghihinalaan dahil sa kanilang pagnanakaw ng 100 kahon ng alak na nagkakahalaga ng P115, 200.

Ang mga pinaghihinalaan ay nagtungo sa naturang establisyemento noong ika-14 ng Setyembre lulan ng isang Isuzu truck upang magpick-up ng kahon-kahong alak nang wala namang pahintulot ang management ng establisyemento.

--Ads--

Nakita naman sila ng mga security guard at isinuplong sa kanilang security officer kaya sinundan nila ang mga pinaghihinalaan hanggang sa makarating sila sa San Manuel, Isabela at doon na sila nadakip.

Agad na dinala sa Naguilian Police Station ang mga pinaghihinalaan para sa kaukulang disposisyon.

Sa imbestigasyon namang isinagawa ng Cauayan City Police Station ay napag-alaman na may tatlong security guard ng naturang establisyemento ang sangkot sa naturang pagnanakaw.

Sila ay sina Rodsen Mangantulao, 27-anyos, may asawa, residente ng Tuguerarao, Echague Isabela, Kelvin Dave Respicio, 27-anyos, may asawa, residente ng Brgy. 2, Jones, Isabela at Marc Joe Rebutal, 32-anyos, may asawa at residente naman ng Napaccu Pequeño, Reina Mercedes, Isabela.

Sa ngayon ay nakapiit na sa himpilan ng Cauayan City Police Station ang mga pinaghihinalaan.