
CAUAYAN CITY – Patay ang isang ginang matapos na tumaob ang sinasakyang bangka sa gitna ng Abuan River na bahagi ng barangay Cabisera 10, Lunsod ng Ilagan.
Ang biktima ay si Delia Saligao, 60 anyos at residente ng nabanggit na barangay.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa mga opisyal ng barangay Cabisera 10, galing sa bukid ang ginang at pauwi na sa kanilang bahay sakay ng isang bangka kasama ang isa pang residente ng naturang barangay nang mangyari ang pagtaob ng bangka.
Dahil mataas pa ang water level sa ilog ay tinangay ng malakas na agos ng tubig ang bangka dahilan para ito ay tumaob.
Nawasak ang bangka dahilan para maanod at bawian ng buhay si Ginang Saligao habang nakaligtas naman ang kanyang kasama.
Dahil dito, pinaalalahanan ang mga mamamayan na iwasan munang magtungo sa mga ilog dahil mataas pa ang water level ng mga ito.










