--Ads--

Pumanaw na ang isa sa mga rider na sangkot sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa Barangay Buena Suerte Cauayan city nitong Linggo October 25,2026.

Ang nasawi ay ang isang 68-anyos na magsasaka na nagmamaneho ng isang Isuzu 125. Nakabanggaan nito ang isang Yamaha Mio Sporty na minamaneho naman ng isang 23-anyos na farm attendant at residente ng Barangay Dabburab.

Naganap ang aksidente sa bahagi Farm-to-Market Road sa Purok 5, Barangay Buena Suerte, bandang alas-4:30 ng hapon, nang magtagpo ang dalawang motorsiklo sa isang T-intersection. Ayon sa paunang pagsisiyasat ng pulisya, halos nakapuwesto na umano sa sariling linya ang Isuzu 125 nang pumasok sa lane nito ang Yamaha Mio Sporty, na naging sanhi ng salpukan.

Kapwa nagtamo ng mga sugat ang dalawang rider at agad na binigyan ng paunang lunas ng mga rumespondeng tauhan ng Rescue 922. Dinala ang 68-anyos na magsasaka sa Garcia Hospital bandang ala-1:30 ng hapon, bago inilipat sa IUDMC para sa karagdagang atensiyong medikal. Gayunman, idineklara siyang patay bandang alas-7:25 ng gabi. Samantala, dinala rin sa isang pampublikong pagamutan ang 23-anyos na rider.

--Ads--

Kapwa napinsala ang dalawang motorsiklo at kasalukuyang nasa pangangalaga ng Cauayan Component City Police Station para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.

Nakatakda ang libing ng nasawi sa Nobyembre 4, subalit sa kasalukuyan ay wala pang pinal na desisyon ang pamilya kung makikipag-areglo o magsasampa ng kaso kaugnay ng insidente.