--Ads--

Sugatan ang dalawang sakay ng isang four-wheel electric bike matapos itong banggain at kaladkarin ng isang kotse sa Cabatuan Road, Barangay San Fermin, Cauayan City, madaling-araw ng Miyerkules, Nobyembre 11.

Batay sa ulat ng Cauayan Component City Police Station, dakong alas-3 ng madaling-araw nang mangyari ang aksidente habang kapwa binabaybay ng dalawang sasakyan ang nasabing kalsada patungong Cauayan Centro.

Sa paunang imbestigasyon, nasa unahan ang four-wheel e-bike nang mabangga ng kotse ang likurang bahagi nito. Mabilis umano ang takbo ng kotse nang mangyari ang insidente.

Dahil sa lakas ng impact, nakaladkad pa ng kotse ang e-bike nang humigit-kumulang 50 metro mula sa pinangyarihan ng banggaan.

--Ads--

Sugatan ang driver at isa sa mga pasahero ng e-bike na kapwa isinugod sa Cauayan District Hospital para sa agarang pagpapagamot.

Hindi naman nasaktan ang driver ng kotse na kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya.

Kapwa nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan, subalit hindi pa natutukoy ang kabuuang halaga ng pinsala.

Dinala ang mga sasakyan sa Cauayan Component City Police Station para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.