--Ads--

Puspusan ang paghahanda ng 69 na atletang Pilipino para sa 5th Asian Para Games na gaganapin sa Nagoya, Japan mula Oktubre 18 hanggang 24.

Kumpiyansa si Philippine Paralympic Committee President Mike Barredo na makapagtatala ng magandang performance ang delegasyon sa kabila ng hindi pagkakasama ng chess, na nag-ambag ng walo sa 10 gintong medalya ng Pilipinas sa 2023 edition sa Hangzhou, China.

Ayon kay Barredo, patuloy na magsisikap ang mga atleta upang mapabuti ang kanilang naging kampanya sa nakaraang edisyon, kung saan nakapagtala ang bansa ng 10 ginto, apat na pilak at limang tansong medalya para sa ikasiyam na puwesto.

Nagpasalamat din siya sa Philippine Sports Commission sa suporta nito sa paghahanda ng delegasyon.

--Ads--

Sasabak ang Pilipinas sa 11 sports, kabilang ang swimming, athletics, cycling, table tennis at taekwondo.

Ayon naman sa mga opisyal ng delegasyon, nakikita ang pag-unlad ng kakayahan at consistency ng mga atleta sa kanilang training, bagama’t kailangan pang palakasin ang grassroots development ng para sports sa bansa.

Kabilang sa mga isinusulong na hakbang ang pagsasama ng para sports sa Batang Pinoy upang mas maraming kabataang atleta ang mahikayat at maihanda para sa mga susunod na kompetisyon.