Nasawi ang hindi bababa sa pitong katao habang 112 naman ang sugatan matapos magbanggaan ang dalawang pampasaherong tren sa Giza Province, Egypt, nitong Linggo, Nobyembre 8.
Ayon sa Egyptian Health Ministry, naganap ang aksidente sa layong 76 kilometro sa Southern Cairo matapos mabangga ng tren na bumibiyahe mula Giza patungong Fayoum ang likurang bahagi ng isa pang tren na patungong Aswan mula Cairo.
Dahil sa lakas ng banggaan, ilang bagon ang nadiskaril, habang agad namang rumesponde ang mga emergency personnel upang isagawa ang rescue operations at alisin ang mga debris sa lugar.
Sa pahayag ng state railway authority, pansamantalang naapektuhan ang operasyon sa Cairo-Upper Egypt railway line habang isinasagawa ang clearing operations. Hindi pa tinukoy kung kailan tuluyang maibabalik ang normal na biyahe ng mga tren.
Iniutos naman ni Egyptian President Abdel Fattah el-Sisi ang agarang imbestigasyon sa insidente at sinabing dapat managot ang sinumang mapatutunayang nagpabaya.
Patuloy na iniimbestigahan ng public prosecutor’s office ang teknikal na dahilan ng aksidente.
Matatandaang kabilang ang Egypt sa mga bansang may pinakamalaki at pinakamatandang railway networks sa rehiyon, ngunit nananatiling hamon ang mga aksidente sa tren sa kabila ng bilyun-bilyong Egyptian pounds na inilaan ng pamahalaan para sa modernization ng sistema ng riles.










