Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na pitong Pilipinong seafarers ang nasugatan matapos tamaan ng Iranian drone attack ang Maltese-flagged container ship na CMA CGM San Antonio noong Martes.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, sakay ng barko ang pitong Pinoy crew members na pawang ligtas na nakaligtas sa insidente, ngunit nagtamo ng mga pinsala at kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Batay sa ulat, apat sa mga nasugatan ay may minor injuries habang tatlo naman ang nasa mas seryosong kondisyon at patuloy na mino-monitor ng mga doktor.
Nangyari ang pag-atake habang binabaybay ng barko ang Strait of Hormuz.
Una umanong iniulat na French ship ang naturang sasakyang pandagat, ngunit kinumpirma ng pamahalaan ng Pilipinas na isa itong barkong may bandilang Malta.
Tiniyak din ni Cacdac na mahigpit na binabantayan ng Philippine embassy at labor attaché ang kalagayan ng mga Pilipinong tripulante, at nananatiling nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng ospital para sa kanilang kaligtasan at agarang pangangalaga.











