Umabot sa 70% o 14 sa 20 suspek na naaresto ng Philippine National Police Women and Children Protection Center dahil sa online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC) mula Enero hanggang Agosto 2026 ay mga ina.
Mas mataas ito kumpara sa naitalang 64% noong 2025, kung saan 32 sa 50 suspek na naaresto ay mga nanay.
Ayon kay WCPC chief PBGen. Maria Sheila Portento, nakababahala rin ang pagiging bata ng ilan sa mga suspek na nasa edad 23 hanggang 35.
Kabilang sa mga nakikitang dahilan ng patuloy na paglaganap ng OSAEC ang kahirapan, malawak na internet access, at madaling paggamit ng mga online payment channel.
Samantala, nasa 583 na biktima na ang nailigtas ng mga awtoridad sa mga operasyon laban sa online child exploitation sa pamamagitan ng Philippine Internet Crimes Against Children Center.
Tiniyak naman ni PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na patuloy nilang paiigtingin ang intelligence-driven police operations upang labanan ang mga krimeng naglalagay sa panganib sa kinabukasan ng mga batang Pilipino.











