Umabot na sa mahigit 72,000 ang naitalang ordinance violators sa buong National Capital Region mula Abril 6 sa ilalim ng “Safer Cities” campaign ng Department of the Interior and Local Government, ayon sa National Capital Region Police Office.
Ayon kay NCRPO chief Maj. Gen. Anthony Aberin, umaabot sa 6,000 hanggang 7,000 ang nahuhuling lumalabag araw-araw.
Kabilang sa ipinatutupad ang curfew sa mga menor de edad, pagbabawal sa pag-inom sa pampublikong lugar, paninigarilyo, paglalakad nang walang pang-itaas, at late-night videoke.
Karamihan sa mga kaso ay naresolba sa lugar, kung saan pinayuhan ang ilan, pinagmulta ang iba, at may ilang kinasuhan depende sa paglabag.
Samantala, umani ng batikos ang kampanya matapos sitahin ang isang lalaki sa Mandaluyong, kung saan humingi ng paumanhin si DILG Secretary Jonvic Remulla at sinabing nagkaroon ng pagkakamali sa insidente.











