Ilang katao ang nasawi at nasugatan sa isang insidente na nagdulot ng malaking sunog sa Canadian Forces Base Wainwright sa Alberta, Canada, nitong Sabado, Oktubre 17.
Kinumpirma ni Canadian Defense Minister David McGuinty ang pagkakaroon ng mga nasawi at nasugatan, ngunit hindi nito tinukoy ang eksaktong bilang ng mga biktima at ang sanhi ng insidente.
Ayon kay McGuinty, patuloy pa ang pagtugon sa insidente at nananatiling seryoso ang sitwasyon sa base militar, na matatagpuan may 210 kilometro sa silangan ng Edmonton.
Iniimbestigahan na ng Canadian military at Royal Canadian Mounted Police ang pangyayari.
Batay sa pahayag ng Canadian Armed Forces, nagsimula ang sunog bandang alas-4 ng hapon, lokal na oras, sa training area ng base. Mabilis na kumalat ang apoy lampas sa hangganan ng lugar habang rumeresponde ang mga tauhang militar at mga sibilyang emergency responder.
Ayon naman sa lokal na pamahalaan, umabot ang apoy sa kalapit na distrito matapos makatawid sa bakod ng base. Gayunman, wala pang inilalabas na kautusan para sa paglikas ng mga residente.
Sinabi ni Canadian Prime Minister Mark Carney na nakikipagtulungan ang pambansang pamahalaan sa pamahalaan ng Alberta at mga lokal na awtoridad upang tugunan ang sitwasyon.
Tiniyak naman ni General Jennie Carignan, hepe ng Canadian Armed Forces, na prayoridad nila ang kaligtasan at kapakanan ng mga tauhan ng militar, kanilang mga pamilya at ng komunidad na nakapaligid sa base.











